Isa sa mga itinuturing icon ng Philippine showbiz ang beteranang aktres na si Gina Pareño. Pero bago pala niya maabot ang kasikatan, naranasan muna niyang magtinda ng saging, maging tricycle driver at extra sa pelikula.
Sa programang "Tunay Na Buhay," sinabing Geraldine Acthley ang tunay na pangalan ni Gina, na Pinay ang ina at German-American ang ama, na hindi na niya nasilayan sa paglaki.
Kahit isinilang sa Sampaloc, Maynila, naging tricycle driver si Gina sa Zamora St. sa Makati.
Nagtinda rin siya ng pritong saging sa Sampaguita Pictures, ang sikat na film production noon.
Ayon kay Gina, bawal ang pagtitinda sa tapat ng Sampaguita Pictures kaya umaakyat siya ng bakod para malusutan ang guwardiya at makapagtinda sa loob.
Para may dagdag na kita, naging extra siya sa mga ginagawang pelikula ng Sampaguita Pictures kung saan nababayaran siya ng P10.
Nagbago ang buhay ni Gina noong 1964 nang manalo siya sa isang dance contest sa telebisyon.
Kabilang si Gina sa iilang artista na gumanap bilang Pinay superhero na "Darna."
Pero dumating din si Gina sa yugto ng buhay na nalihis ng landas at magkaroon ng masamang bisyo.
"Yung akin naman na bisyo na 'yon actually hindi bisyo na adik-adik na akong ganun. 'Yung akin lang gusto kong tumikim. Eh nadali ako sa tikim," natatawa niyang balik-tanaw.
"At least marami akong nakilala sa loob, naayos ako, at mas lalo akong tumibay," dagdag niya.
Nagawa raw niyang makabangon dahil sa suporta ng pamilya at mga taong malapit sa kaniya. Bukod pa roon ang talagang kagustuhan niyang magbago.
--FRJ, GMA News