Huwag tayong mapapagod sa paggawa ng kabutihan kahit may mga taong patuloy na gumagawa ng kasamaan. (Mateo 13:24-43).
Ipinagmamalaki ng isang tao na kahit ilegal at makasalanan siya ay tatanggapin pa rin siya sa langit dahil lagi naman daw siyang nagsisimba at nagdarasal.
Marahil ay hindi niya alam ang nakasaad sa Talinghaga ni Hesus sa Mabuting Balita (Mateo 13:24-43) tungkol sa mga trigo at damo na isinaboy sa bukid.
Ang mapapakinabangang trigo ang dapat lang sanang itatanim sa bukid pero mayroong masamang tao na nagsaboy din ng damo.
Pero sa halip na bunutin ang damo, hinayaan na lamang itong tumubo at saka na lang kukunin kapag puwede nang anihin ang trigo.
At kapag inani na ang dalawa, ihihiwalay ang damo sa trigo. Ang damo, pagbibiksin at saka sisilaban para sunugin. Habang ang trigo, iipunin sa kamalig.
Ang ibig sabihin, ang masamang damo ay susunugin sa impiyerno habang makakapiling naman ng mga mabubuting trigo ang Panginoon sa Kaniyang Kaharian sa Langit. (Mateo 13:43).
Itinuturo sa atin ng Pagbasa na dalawang uri ng tao ang nabubuhay dito sa ibabaw ng mundo. Una ay ang mga taong gumagawa ng mabuti at may takot sa ating Panginoong Diyos.
Habang ang isa pa ay namumuhay sa kasalanan. Sila yung mga taong hindi marunong matakot sa Diyos at handang gumawa ng masama.
Inilalahad ng Talinghaga na ikinuwento ni Hesus sa Kaniyang mga Disipulo na ang lahat ng tao ay binigyan ng pagkakataon ng Diyos na mamuhay ng parehas dito sa ibabaw ng lupa. (Mateo 13:28-29)
Binibigyan tayo ng kalayaan ng Panginoong Diyos na mamuhay dito sa mundo nang sang-ayon sa ating kagustuhan.(Mateo 13:20)
Malaya tayong mamili kung anong buhay ang nais natin tahakin sa ibabaw ng mundo-- ang mamuhay sa kabutihan o ang mamuhay sa kabuktutan.
Pero pagdating ng "anihan" o sa pagtatapos ng mundo, isipin mo kung ikaw ba'y mapapasama sa "trigo" na kapiling ng Diyos sa Kaniyang kaharian sa Langit, o isa ka sa mga "damo" na susunugin?
Inaanyayahan tayo ng Pagbasa na huwag tayong mapagod sa paggawa ng kabutihan, kahit pa may nakikita tayong mga gumagawa ng kasamaan. Sa halip na magpadala at maakit na magkasala, hayaan mong ang kabutihan mo ang umakit sa mga nagkakasala na magbago.
Manalangin Tayo: Panginoon, nawa'y maging matatag kami at huwag mapagod sa paggawa ng kabutihan. Sapagkat nais namin na maging "trigo" na kapiling Mo sa buhay na walang hanggan. AMEN.
--FRJ, GMA News