Posible nga bang kumita ng pera sa paglalaro lamang ng isang online game? Kaya raw iyan sa pamamagitan ng nauuso ngayong mobile game na tinatawag na Axie Infinity.
Pero tulad ng negosyo, bago kumita ay kailangan din mamuhunan muna sa paglalaro ng Axie Infinity dahil kailangang magbayad o bumili ng virtual character na kung tawagin ay "Axie."
Ang mga Axie ang sasanayin at gagamitin ng manlalaro sa pakikipaglaban sa ibang manlalaro para makaipon ng puntos na siyang magiging kita sa pamamagitan ng "cryptocurrency" na puwede raw i-cashout bilang totoong pera.
At isang manlalaro ng Axie Infinity ang nagpatunay na puwedeng pagkakitaan ang paglalaro ng naturang online game dahil nakabili na raw siya ng ilang gamit sa kanilang bahay at maging ng sasakyan.
Puwede rin daw makatulong sa iba para kumita sa pamamagitan ng pagkuha ng "iskolar."
Papaano nga ba itong laro na ito? Panoorin ang buong ulat ni Vonne Aquino sa "Brigada."
--FRJ, GMA News