Nakiusap ang isang inang overseas Filipino worker (OFW) na igsian ang kaniyang quarantine period para makapiling kahit sandali ang anak na biglang pumanaw noong nakaraang linggo.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing isinugod sa ospital ang Grade 10 student na si Cherry Mae Saranza matapos na mapansin na hindi siya makapagsalita at namumutla.
Sa CT scan, nakitang nagkaroon ng pamumuo ng dugo sa kaniyang utak. Hanggang nitong July 7, tuluyan na siyang binawian ng buhay.
Dahil sa hirap sa pagbiyahe, hindi kaagad nakauwi sa bansa ang inang OFW na si Rosamil, na nanggaling sa United Arab Emirates.
"Hindi mo man lang mahawakan, sa camera mo lang makikita. Hanggang sa tuluyan bumigay na. Kinakausap ko lang: 'Antayin mo lang si Rosamil.
Sa ngayon, nasa ikatlong araw pa lang ng 14-day quarantine protocol si Rosamil na ipinatutupad ng pamahalaan bilang pag-iingat sa COVID-19--lalo na sa Delta variant.
Hiling niya, payagan sana siyang maigsian ang pananatili sa quarantine area para makapunta sa burol ng anak sa Tanza, Cavite.
"Nagmamakaawa po sa inyo sa kahuli-hulihang pagkakataon, pagbigyan niyo na makasama ko nang saglit ang anak ko," pakiusap ni Rosamil.
"'Yun ang kahilingan na makita ang anak ko. Nandito na ako sa bansa natin, konti na lang makasama ko ang anak ko," patuloy niya.
Ayon sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), ang Department of Health ang makapagdedesisyon kung maaaring mapaigsi ang quarantine period ng umuuwing Pinoy.
Kabilang ang UAE sa mga bansa na nagpapatupad ng travel restriction ang Pilipinas dahil sa banta ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19.— FRJ, GMA News