Inihayag ni Manila Mayor Isko Moreno nitong Huwebes na walang puwedeng manakot o manduro sa kaniya kaugnay sa kaniyang magiging desisyon kung anong posisyon ang tatakbuhan niya sa Eleksyon 2022.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras," sinabi ni Moreno na tanging sa Diyos lang siya takot.
“Hindi ako takot kahit kanino. Hindi ako maduduro ng sino man because this is public service," giit ng alkalde.
"This is not about ownership from one owner passed to the, you know, tagapagmana. I’m not afraid of anyone. I’m afraid of God,” patuloy niya.
Una rito, sinabi ni retired Supreme Court Justice Antonio Carpio, hindi pa nagpapahayag ang ibang politiko kung tatakbo silang pangulo sa 2022 elections dahil sa takot na kuyugin sila ng "trolls," o mga bayaran sa social media.
Nagpasalamat naman si Moreno sa pahayag ni Carpio na nananatiling bukas ang 1Sambayan na tanggapin siya sa koalisyon ng oposisyon.
Nagpasalamat din ang alkalde sa pagiging mataas niya sa mga naglalabasang survey patungkol sa mga kakandidato sa 2022 elections.
Pero ayon kay Moreno, sa Oktubre pa malalaman kung anong posisyon ang tatakbuhan niya kapag naghain na siya ng certificate of candidacy.
“Come October decisions will be made… magmumuni-muni ako kung ano man ‘yan," pahayag ng alkalde, sabay puna sa mga politikong nag-iikot na ang bumubuo ng alyansa sa harap ng nagaganap na pandemya.
"Hindi nag-iikot-ikot kung kani-kaninong politiko or partido and so on and so forth. This is not the right time for taking pictures, aligning, partnership with politicians," puna niya.
"Kasi ‘yung mga politiko sila-sila lang naman nakikinabangan diyan. Wala naman kapakinabangan ‘yang mga political alliances for now,” dagdag pa ng alkalde. --FRJ, GMA News