Dahil may ibang tao na mapanghusga, may mga kababaihan na hindi komportable na magsuot ng sleeveless na makikita ang kanilang mga kilikili. Pero may ilang kababaihan na natuto ng self-love at taas-kamay na ipinagmamalaki ang kanilang mga kilikili--maitim man o may buhok.
Sa special report ni Saleema Refran sa "Brigada," ikinuwento ng aspiring model na si Mary Rose Sidlao, na nakatanggap siya ng mga panghuhusga mula mismo sa kaniyang mga kamag-anak at kaibigan dahil sa kaniyang maitim na kilikili.
"Minsan po sila mismo 'yung nagsasabi na, 'Hala, bakit ganiyan 'yung underarm mo, ang itim?' 'Hindi ka ba nagse-shave?' 'Ano ang ginawa mo diyan bakit may sugat?' Minsan naiiyak din kasi bakit sila pa 'yung nagsasabi ng gano'n, imbes na sila 'yung unang taong umiintindi sa sitwasyon," sabi ni Mary Rose.
Si Lane Manlapaz naman, itinatago din noon ang kaniyang maitim na kilikili, na dahilan kaya raw naapektuhan ang kaniyang self-esteem.
"Kahit sarili ko, hindi ko matanggap mismo na ganu'n po ako," sabi ni Lane.
Para pumuti ang kilikili, sumubok si Lane ng iba't ibang paraan tulad ng pagkiskis ng kalamansi at whitening cream.
Pero ayon sa dermatologist na si Dr. Jean Marquez, ang kalamansi ay may acid na nagdudulot ng pagkatuyo at iritasyon sa balat.
Paliwanag pa ni Dr. Jean, ang discoloration ng mga kilikili ay dulot minsan ng kondisyong Acanthosis Nigricans na nagresulta sa pagdagdag ng timbang.
Nagbago ang pananaw ni Lane nang magbakasyon sila ng kaniyang pamilya sa Bohol noong 2019, at napagtanto niyang mas mahalaga ang magkaroon ng magandang memories kaysa alalahanin ang hindi niya pagtanggap sa kaniyang hitsura.
"Na-realize ko po na kapag mahal mo 'yung sarili mo, wala na pong kahit ano, kahit sino na makakapagsabi sa inyo kung ano 'yung dapat na hitsura niyo. Kahit tingnan pa po nila kayo, kahit anong sabihin nila sa inyo, kapag tanggap mo 'yung sarili mo, tanggap mo 'yung sarili mo," sabi ni Lane.
Dahil dito, nag-post siya ng larawan ng naka-arms up at kita ang kaniyang kili-kili, na nag-viral at umani ng iba't ibang reaksyon.
Pinusuan man at marami ang na-inspire, may ilan pa rin ang nang-insulto at nagbigay ng hindi magagandang komento.
Brand ambassador ngayon si Lane ng local fashion brand na KxK Fashion, na modelo ang kababaihan na may iba't ibang hugis ng katawan at kita ang mga buhok sa kanilang mga kilikili.
Ang mga may-ari na sina Krizza at Karina Dela Cruz, hindi rin kadalasang nag-aahit ng buhok sa kilikili.
"Okay lang naman minsan kapag hindi tayo naka-shave. I-normalize natin na ganu'n kasi lahat tayo hindi naman palaging nagpapa-wax, hindi lahat ng tao afford na magpa-laser hair removal," sabi ni Karina.
"May katapusan po ang insecurities natin sa sarili natin. Darating ang panahon na mae-educate unti-unti ang mga tao about sa mga bagay na hindi nila naiintindihan," ayon naman kay Krizza.
"Nasimulan ko po siyang tanggapin noong nakita kong maraming tao na nag-a-accept or para sa kanila normal na 'yung having a dark underarms," sabi ni Mary Rose, na naging inspirasyon si Lane at hindi na rin nahiyang ipakita ang kaniyang kili-kili.
"Hindi niyo po kailangan gawin na hindi komportable 'yung sarili ninyo para maging komportable 'yung ibang tao... Mahalin niyo po muna ang sarili niyo, hindi ko po sila binobola na madali, mahirap po talaga, pero kapag nandu'n na kayo sa point na 'yun mari-realize niyo po, sobrang worth it," sabi ni Lane.
--FRJ, GMA News