Dinadayo at pinagkakaguluhan ngayon sa isang barangay sa Marogong, Lanao del Sur ang isang bagong silang na sanggol dahil sa kakaiba niyang hitsura at mga pambihira daw na abilidad.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, napag-alaman na mahigit isang linggo pa lang ang nakalilipas mula nang isilang ang sanggol na pinangalanang Tingting Bulawan, na ang kahulugan ay "maliit na ginto."
Para sa mag-asawang Abdul at Noraisa, itinuturing nilang isang malaking biyaya ang pagdating sa kanila ng anak na si Tingting Bulawan.
Kakaiba ang hugis ng mukha ng sanggol na halos kasinglaki lang ng mansanas. At ang kaniyang laki, nasa walong pulgada lang.
Dumami ang mga tao na nagtutungo sa bahay nina Abdul at Noraisa mula nang mag-viral ang video ng kanilang anak na sinasabing nakauupo na raw mag-isa at nakapagsasalita na.
Ang iba, pinaniniwalaan din na may hatid na suwerte ang bata, at kaya raw magpagaling ng maysakit.
May nanghihingi ng damit ni Tingting Bulawan na ginamit at hindi pa nalabhan na inilalagay nila sa kanilang negosyo.
Pero bakit nga ba kakaiba ang hitsura ng sanggol?
Dahil hindi pa naipatitingin sa duktor si Tingting Bulawan, ipinasuri siya ng "KMJS" team sa duktor at inalam din kung nakauupo na nga bang mag-isa at nakapagsasalita. Alamin ang naging kasagutan sa video.
--FRJ, GMA News