Sa Capalonga, Camarines Norte, isang albularyo ang dinadayo ng mga maysakit dahil sa kakaibang paraan ng kaniyang panggagamot--ang herbal bath na may kasamang orasyon.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing herbal steam o "lublob" ang isang paraan ng panggagamot ng albularyong si Mark Christoper Serrano o "Toper."
Isang araw bago ang gamutan, umaakyat ng bundok si Toper para mamitas ng iba't ibang uri ng dahon, halaman at ugat na ginagamit niya sa lublob.
Pag-uwi, pinapakuluan niya sa loob ng tatlong oras ang nakuhang mga halaman sa isang drum na lata.
At pagsapit ng 3:00 am, dinadasal o nag-o-orasyon si Toper sa pinakuluang mga halaman.
Pagsapit ng umaga, nakapila na ang mga magpapagamot kay Toper na ang iba ay galing pa sa iba't ibang lugar ng lalawigan.
Bago palublubin sa drum na may tubig at pinakuluang halaman, dinadasal muna ni Toper ang mga nagpapagamot at saka hahayaang magbabad doon sa loob ng isang oras.
Ayon sa mga nagpapagamot, nakakaramdam sila ng ginhawa kapag lumublob sa tubig na may kasamang pinakuluang mga halaman.
Pakiramdam ng isang nagpapagamot na sumisingaw ang kaniyang sakit kapag nakalublob sa drum.
Ang pinaghalong dasal at healing properties ng mga halaman ang gagamot daw sa mga sakit. Kabilang dito ang pasma, stroke, high at low blood, rayuma, uric acid, blood sugar, sinusitis, binat-hangin, at binat-lamig.
Ang mga pasyenteng sumasailalim sa "lublob," nagbabayad ng P200. Ang naturang pera ang ibinabayad naman ni Toper sa mga taong tumutulong sa kaniya sa pangunguha ng mga halaman at dahon.
Paano nga ba natutunan ni Toper ang naturang paraan ng panggagamot at epektibo nga bang paraan ng panggagamot ang herbal bath? Alamin sa video ang paliwanag ng isang eksperto. Panoorin.
--FRJ, GMA News