Hinahangaan at kinakaawaan ang isang 83-anyos na lolo sa Miag-Ao, Iloilo. Sa kaniya kasing edad, umaakyat pa rin ng bundok at maging ng puno ng kawayan si Lola Gloria para may magawa siyang basket na kaniyang ikinabubuhay.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinubaybayan ang buwis-buhay na gawain ni Lola Gloria na nagsisimula sa paghahanda niya ng babauning pananghalian na isang isda at kanin sa pag-akyat niya sa bundok.
Isang oras na lakaran ang kailangan niyang gawin sa pag-akyat sa bundok at pagtawid sa sapa bago marating ang lugar na kinaroroonan ng mga kawayan.
At nang marating na ang lugar, aakyatin naman niya ang puno ng kawayan na kung minsan ay umaabot sa 30 talampakan ang taas.
Kasabay nang mahigpit na kapit sa kawayan, tatagain ni Lola Gloria ang bagong usbong na kawayan na kakailangan niya sa paggawa ng basket.
Isang maling kilos, maaaring mahulog mula sa puno ng kawayan si Lola Gloria.
Pero hindi nagtatapos sa pagputol ng kawayan ang hirap na kailangang gawin ni Lola Gloria. Dahil kailangan din niyang bitbitin at iuwi sa kaniyang kubo ang pinutol na kawayan na tinatayang nasa anim na kilo ang bigat.
At pagkauwi, hihimayin pa niya ang kawayan upang gawing materyales na gagamitin niya sa paggawa ng basket, na kailangan niyang maibenta sa palengke kinabukasan.
Ayon kay Lola Gloria, 10-taong-gulang pa lang ay natutunan na niyang magputol ng kawayan.
Nakapag-asawa din naman siya at nagkaroon ng tatlong anak. Pero bakit nga ba niya ginagawang mag-isa ang buwis-buhay na trabaho sa kabilang ng kaniyang edad?
Tunghayan sa video ng "KMJS" ang nakaantig na kuwento ni Lola Gloria.
--FRJ, GMA News