Malaking ganap ngayon sa showbiz ang paglipat ni Bea Alonzo bilang bagong Kapuso. Pero tanong ngayon ng ilang netizens, susunod ba si Anne Curtis?

Ang tanong ay bunsod ng larawan na ipinost ni GMA executives Jose Mari "Joey" Abacan sa Instagram habang kausap nila ni GMA Films President Annette Gozon-Valdes, si Anne via Zoom meeting.

"Thank God for a very productive afternoon! Very refreshing to see you again @annecurtissmith #goodvibes #gmafilms #gma #viva," saad ni Joey sa caption ng larawan.

 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Joey Abacan (@joeyabacan)

 

Kaya naman mayroon mga netizens ang napaisip kung magiging Kapuso na rin ba si Anne matapos pumirma ng kontrata ngayong Huwebes si Bea.

Bukod dito, Kapuso rin ang kapatid ni Anne na si Jasmine Curtis-Smith, na katambal ni Alden Richards sa upcoming series na "The World Between Us."

Isang fan ni Anne ang nag-post at nagpahayag sa aktres ng tanong na sana daw ay sa GMA Films lang gagawa ng proyekto ang kaniyang idolo at hindi lilipat ng network.

Sinagot naman ito ni Anne na "kalma" lang.

Paliwanag ng aktres, mayroon lang proyekto na binanggit sa kaniya na puwedeng gawin sa 2022.

"They pitched a film for next year na hindi pa naman sure yet. As always, I need to read the script first before making a decision," ayon kay Anne.

 

 

Kung gagawa man siya ng pelikula para sa Kapuso, nilinaw ni Anne na hindi ito ang unang pagkakataon kung sakali.

"The last viva x gma film I did was IN YOUR EYES with Ate Claudine & Richard. I was already a Kapamilya then. So Kalma Lang!," dagdag niya. --FRJ, GMA News