Sumisipsip ng mala-gatas na katas ng palay at halos hindi tinatablan ng insecticide. Ito ang mga atangya na isa sa mga pangunahing problema ng mga magsasaka sa Pangasinan. Ano nga ba ang kanilang naisip na solusyon para mapigilan ang perwisyong dulot ng maliliit na insekto pero milyon halaga ng palay ang kaya nilang sirain?
Sa programang "Born To Be Wild," makikita sa isang palayan sa San Manuel, Pangasinan, na naging kulay brown o itim ang ilang palay matapos kainin ng mga atangya.
Dahil dito, inilahad ni Julius Sesuca, magsasaka ng palay, na halos 30 hanggang 40 porsyento ng kaniyang mga ani ang hindi niya mapapakinabangan.
Magagaling magtago ang mga atangya at hindi kaagad makikita kapag inaatake na nila ang mga pananim.
Gamit ang kanilang matulis na bibig o proboscis, pinakikiramdaman nila kung nasaan ang malambot na parte ng palay, at saka nila tutusukin para masipsip ang mga nasa "milk stage" o malagatas na katas ng palay.
At kapag nakaramdam ng panganib, maglalabas sila ng napakabahong amoy.
Sa ngayon, wala pang solusyon para mapuksa ang mga atangya dahil hindi rin sila basta-basta tinatablan ng insecticide.
Meron kasi silang abilidad na maitaboy ang tubig, kaya kapag ginamitan ng insecticide, parang tumatalsik lang ito sa kanilang katawan.
Pero para mabawasan ang kanilang pamemeste, isang magsasaka ang naglagay ng patay na isda at palaka na isinabit sa kawayan sa kaniyang palayan.
Sinasabing naaakit ang mga atangya sa masangsang na amoy, at nagiging alternatibong pagkain nila sa palay.
Ngunit hanggang kailan kaya titiisin ng mga magsasaka ang perwisyon ng mga atanya? Panoorin ang buong pagtalakay sa naturang usapin sa video ng "Born To Be Wild."
--FRJ, GMA News