Naglabas ng hinaing ang isang ginang kaugnay sa bagong bahay na kaniyang nabili. Wala pa raw kasing isang taon mula nang kanila itong tirhan, bumuhos na ang tubig sa isang kuwarto nang magkaroon ng malakas na ulan.
Kuwento ng ginang sa programang "Sumbungan ng Bayan" na nagbibigay ng libreng payong legal, una nilang naranasan na bumaha sa loob ng bahay noong nakaraang taon na panahon ng pandemic.
Dahil sa nangyari, pinutol muna nila ang linya ng kuryente sa kuwarto na ginagamit pa man din ng kaniyang mga anak.
Ipinaalam nila sa developer ang insidente at nagpadala naman ng tao para ayusin ang problema sa bahay.
Pero makalipas ng isang taon, hindi pa rin daw nareresolba ang mga problema at naulit muli ang pagbuhos ng tubig sa kisame nang umulan nang malakas nitong Mayo.
Bukod sa perwisyo na hindi nila matirhan nang maayos ang kanilang bahay kahit patuloy ang kanilang pagbabayad, wala rin daw silang kapanatagan ng isip dahil sa pangamba na muling umulan nang malakas at bumuhos muli ang tubig sa loob ng bahay.
Maliban pa sa pangamba sa kanilang kalusugan ngayong pandemic na kailangan nilang magpapasok ng mga tao sa bahay para ayusin ang dapat na ayusin.
Sa mga ganitong sitwasyon sa pagbili ng bahay na may problema pala, ano nga ba ang maaaring ikaso laban sa developer ng proyekto? Puwede bang humingi ng danyos ang ginang laban sa developer?
Alamin ang payo nina Atty. Jhoel Raquedan at Atty. Ian Sia sa ginang. Panoorin ang video.
--FRJ, GMA News