Isang dalawang-taong-gulang na bata na pinapagamit umano ng shabu ng kaniyang sariling ina ang sinagip ng mga awtoridad sa Cebu City. Ang ginang, tulak umano ng droga sa kanilang lugar.
Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Bistak," sinabing isinagawa ng mga tauhan ng National Bureau Investigation-Region 7, kasama ang Department of Social Welfare and Development, matapos silang makatanggap ng sumbong tungkol sa nangyayari sa bata.
Batay sa nakalap na impormasyon ng NBI mula sa mga kapitbahay ng mag-ina, pinapagamit umano ng droga ang bata para hindi umiyak.
Halos magdamag daw na gising ang bata, at ginagamit ding drug den ang kanilang bahay dahil tulak din umano ng droga ang ginang.
Bukod sa batang dalawang-taong-gulang, sinagip din ng mga awtoridad ang kaniyang kapatid na walong-buwang-gulang.
Wala naman sa bahay ang ina nang mga bata nang dumating ang mga awtoridad at iniwan lang daw sa kapitbahay ang bata.
Labis na ikinagulat ni Atty. Renan Augustus Oliva, Regional Director, NBI-17, nang malaman na pinapagamit ng sariling ina ng droga ang kaniyang napakabatang anak.
Hinahanap na ng mga awtoridad ang ina ng mga bata.
Samantala sa isa pang operasyon na isinagawa ng mga awtoridad sa nasabing lungsod, isa pang ginang ang naaresto rin dahil sa pagtutulak ng droga.
Ginagamit din umano ng ginang ang kaniyang bahay bilang drug den para doon na gumamit ng ilegal na droga ang kaniyang mga parokyano.
Bukod sa paggamit sa kaniyang bahay bilang drug den, ang menor de edad niyang anak ang ginagamit naman niyang drug courier.
Kasamang nahuli sa naturang operasyon ang pitong parokyano ng ginang.--FRJ, GMA News