Inihayag ng isang kongresista ang huling pag-uusap nila ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III, na nabanggit umano ng huli na "quota" na siya at ang Diyos na ang bahala sa kaniya.

Bago pumanaw nitong Huwebes, napag-alaman na nagda-dialysis na si Aquino, na pumanaw dahil sa renal disease secondary to diabetes sa edad na 61.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Caloocan Representative Edgar Erice, na hinikayat niya noon si Aquino na sumailalim sa kidney transplant.

Sinabihan pa raw niya ang dating pangulo na parang operasyon na lang sa appendix ang kidney transplant ngayon.

Gayunman, inisip umano ni Aquino ang mga usapin tungkol sa kidney transplant partikular sa donor o donation.

"Sabi niya sa akin parang, 'Qoata na 'ko. Nagawa ko na yung mga dapat kong magawa eh 'di bahala na sa akin ang Diyos; bahala na sa akin sa Taas, bahala na yung Boss ko,'" anang kongresista.

Pero hindi raw alam ni Erice kung nagkaroon man ng pagbabago sa isipan ni Aquino tungkol sa pagsailalim sa kidney transplant.

Sa panayam ng GMA News "Unang Hirit" nitong Biyernes ng umaga, sinabi ni Deedee Siytangco, dating tagapagsalita ni Aquino, inihahanda raw na palakasin ang katawan ng dating pangulo para sa transplant.

Iilang tao lang daw ang nakakaalam sa kondisyon ng kalusugan ni Aquino dahil nais nitong maging pribado ang kaniyang pinagdadaanan.

“Maski noong nagda-dialysis siya, ayaw niyang ipasabi. Actually, nagkaroon na siya ng procedure sa heart. Tapos bini-build up yung katawan niya for a possible [kidney] transplant,” sabi ni Siytangco.

Sinabi rin ni dating Cabinet Secretary Rene Almendras, hindi "sumuko" si Aquino sa paglaban sa kaniyang sakit.

"Some people say he gave up, no he did not. Pinag-uusapan namin ano gagawin sa transplant, ano gagawin niya after," anang dating opisyal.

Giit niya, nilabanan ni Aquino ang kaniyang mga sakit.

"It a long fight. But one by one na-solve na," ani Almendras. "He was sick but he was fighting pa."

Sa hiwalay na ulat ni Sandra Aguinaldo sa "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng pamangkin ni Aquno na si Miguel Aquino Abellada, na dalawang dialysis session ang hindi nagawa ng kaniyang tiyuhin dahil sa mahina ang katawan nito.

"He was really feeling weak... the drive to Makati Med was very taxing. He's in Times Street so it would take him two hours back and forth," ani Abellada, anak ni Pinky, isa sa mga kapatid na babae ni Aquino.

Nang huli niyang makita ang tiyuhin noong Father's Day, sinabi ni Abellada na masaya ito pero mapapansin ang iniindang sakit.

"After two hours, he got tired because he was sitting up. He begged our indulgence because he had to rest and then we left," ani Abellada.

Nabanggit pa raw ng kaniyang tiyuhin ang plano na ipakondisyon ang sasakyan nito para bumiyahe sana at mag-relax sa Tarlac, Tagaytay o Baguio.

Nakatakdang ilibing sa Sabado sa Manila Memorial Park sa Parañaque City ang mga abo ni Aquino, kung saan nakahimlay ang kaniyang mga magulang na sina dating Pangulong Corazon Aquino at dating senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr.--FRJ, GMA News