Malaki ang pasasalamat ng mga pasahero sa isang tsuper ng jeepney dahil sinikap niyang maitabi nang maayos ang sasakyan kahit inatake na sa puso habang pumapasada sa Tagaytay City. Ang driver, binawian ng buhay.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, kinilala ang 55-anyos na driver na si Pepe Rollon, na inatake sa puso sa tapat ng Tagaytay Hall of Justice.
Sa video, makikita si Rollon na nakaupo sa likod ng manibela habang inaalalayan ng isang pasahero ang kaniyang ulo, at may isang nagpapaypay.
Nang sandaling iyon, naitabi na ni Rollon ang kaniyang jeep sa gilid ng kalsada kaya hindi nalagay sa panganib ang buhay ng kaniyang mga pasahero.
Nang may mapadaan na barangay patrol car, isinakay na si Rollon sa tulong ng kapwa tsuper para dalhin siya sa ospital. Pero hindi na siya umabot nang buhay.
“Very thankful, very grateful kami kay tatay, halos lahit kami ng mga passenger po niya kasi mas pinili po niya na i-save kami lahat na maging maayos ‘yung pagtabi niya sa amin,” sabi ni Anne Solomon, ang babaeng umalalay sa ulo ni Rollon.
Napag-alaman na 20 taon nang tsuper si Rollon, at sadyang maysakit umano ito sa puso, ayon sa kaniyang asawa na si Marlene.
“Natutuwa ako kasi kahit papaano nailigtas niya ‘yung mga pasahero niya kasi buhay din 'yon. Kasi lagi kong paalala sa kaniya, 'pag ikaw ay sinamaan ng lasa, itabi agad ang sasakyan kasi maraming buhay ang mapapahamak,” sabi ni Marlene.
Bukod sa third-party insurance na kailangan para mairehistro ang sasakyan sa Land Transportation Office, mayroon ding passenger accident insurance ang operator para sa prangkisa ng jeepney.
Pero ayon sa Philippine Insurance Commission (PIC), hindi magagamit ang insurance sa insidenteng nangyari kay Rollon.
“In this situation, baka po hindi itong TPI policy or yung CTPL policy natin ang makakapag-respond, if ever man, doon sa claim noong family. Kasi hindi po covered ‘yung situation na kung saan ito nga pong nangyari ay naitabi po ng ating jeepney driver sa gilid ng road so wala pong accident na nangyari,” paliwanag ni PIC media relations officer Alwyn Franz Villaruel.
Mayroong naiwan na apat na anak si Rollon, na senior high school ang panganay at siyam na taong gulang lang ang bunso. — FRJ, GMA News