Kahit hindi pinalad na manalo sa 2019 senatorial elections, itinuturing ng human rights lawyer na si Chel Diokno na isang magandang karanasan ang pagtakbo niya sa ilalim ng koalisyong Otso Diretso.
Sa darating na Eleksyon 2022, inihayag ni Diokno na kakandidato siya pero hindi pa niya masabi kung anong posisyon.
Kasama ang kaniyang pangalan sa pinagpipilian ng opposition coalition na 1Sambayan bilang kandidatong pangulo at bise presidente.
Nasa listahan din sina Vice President Leni Robredo, dating Senador Grace Poe, dating Senador Antonio Trillanes, CIBAC party-list Rep. Eddie Villanueva at Batangas Rep. Vilma Santos-Recto.
Sa panayam ni Malou Mangahas, naniniwala si Diokno na magiging "a different ball game" ang 2022 elections.
“Ako nakikita ko sa 2022, it’s a different ball game kasi there are other aspects of the election. It’s not only going to be a question of machinery. There are hidden dimensions, I believe, that will be very important in 2022,” anang abogado.
“Unang-una, syempre, di ba, sabi natin the election is the will of the people at palagay ko maririnig natin ‘yung boses ng taong bayan sa 2022,” dagdag niya.
Batay sa naging karanasan niya noong 2019 election, sinabi ni Diokno na hindi dapat umaasa ang oposisyon sa kaparehong taktika noon.
“You have a very popular president and even up to now, while he has lost some of his support, malakas pa rin siya. You have local governments that would like to be supportive of him and doon kami nahirapan actually nung panahon na ‘yun,” pag-amin niya.
Aniya, "air and ground" ang labanan sa eleksiyon, at natalo sa dalawang iyon ang Otso Diretso.
“Sa air war, usapin ng pera ‘yan eh. Kung wala kang pangbayad ng mga advertisement at yung kalaban naman ay sobra-sobra ang pera makapaggawa… talagang disadvantage kami doon,” paliwanag ni Diokno.
“Pagdating naman sa ground war, eh, kailangan may suporta na… nanggagaling sa baba and, again, for us newbies dito sa politika ay it was a very good learning experience,” dagdag niya.
Sabi pa ni Diokno, ito ang panahon na dapat madinig ang boses ng kabataan.
“In the last two to three years ang dami-dami kong nakakausap na mga kabataan at iba kasi ang pananaw nila dito sa nangyayari sa atin. In fact, tayong mga matanda, mga tanders na tayo, pa exit na tayo. Itong Pilipinas ay kanila na. It’s time for their voices to be heard,” giit niya.— FRJ, GMA News