Mula sa pagiging artista, napasok ang komedyante sa pagiging sports organizer at motivational speaker. Ngayon, emosyonal niyang ikinuwento kung papaano siya dinala ng Diyos sa pagnenegosyo ng corn dog na "Corny Doggy."
Sa panayam ni Pia Arcangel sa "Tunay Na Buhay," ikinuwento ni Bearwin na nagsimula ang pagtitinda niya ng corn dog online noong nakaraang Setyembre.
Ngayon, dalawang buwan na ang puwesto ng kaniyang tindahan na "Corny Doggy" kung saan siya mismo ang nagluluto at naghahanda.
May pabaon pang "joke" ang bawat serving ng corn dog na nakadikit sa lalagyan ng pagkain.
Matiyaga raw na inilalagay ng kaniyang mga anak ang naturang mga joke sa lalagyan.
Natutuwa ang komedyante dahil nagkakaroon siya ng paraan upang magamit ang kaniyang mga joke.
Aminado ang aktor na hindi madali ang kaniyang pinagdaanan sa pagtatayo ng negosyo kaya naging emosyonal siya nang ikuwento ito.
Pero naniniwala siya na hindi siya pinababayaan ng Diyos. Sa halip, naniniwala ang aktor na ang Diyos pa ang nag-akay sa kaniya patungo sa pagnenegosyo.
Kuwento niya, bago pa man magkaroon ng lockdown ay nagkakaroon na siya ng problemang pinansyal nang humina ang kaniyang mga pinagkakakitaan.
Kaya nagpasya ang pamilya na ibenta na lang ang itinayo nilang dream house. Kasunod nito, nangyari na ang lockdown.
Naniniwala si Bearwin na mas mahirap sana ang buhay nila kung hindi nila naibenta ang bahay. Nang maibenta raw nila ang bahay, nagkaroon sila ng ipon na nagamit nilang panggastos nang nagkaroon ng lockdown.
At habang naka-lockdown, doon na niya sinimulan ang pagtitinda ng corn dog online kung saan siya ang nagluluto at katuwang ang pamilya sa paghahanda.
Ayon sa aktor, siya rin ang nagdedeliber ng mga order. Ngayon, mayroon na siyang tindahan na "Corny Doggy."
Tunghayan ang buong panayam ng "Tunay Na Buhay" kay Bearwin, na ipinaliwanag na isang pagpupugay sa Panginoon ang markadong linya niya noon na "Yahoong! Yahoo!"
Ikuwento rin ni Bearwin na dating alalay siya ni John Estrada bago siya nabigyan ng break at nakapasok sa showbiz. Panoorin ang video.
--FRJ, GMA News