Isang babaeng anim na taong gulang sa Dumaguete City ang nagkaroon ng multisystem inflammatory syndrome (MIS) matapos na magpositibo sa COVID-19. Ang kaniyang balat, namaga at nagkasugat.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing nagkaroon ng pamamantal at paltos (o "blisters") sa mukha at katawan si Ysa Bustamante.
Namaga rin ang daluyan ng hangin, pati ang dila niya kaya nahirapan siya sa paghinga.
Nagsara din ang talukap ng kaniyang mga mata.
“When I saw Ysa, I will never forget the frailty of a 6-year-old girl suffering, and she doesn’t understand what is going on because her eyes are closed,” ayon kay Dr. Frances Hope Yap, isa sa duktor.
“She was crying, so— can you imagine? Her eyes are closed for how many days. Her skin is blistering and burning,” dagdag pa ng duktor.
Nagkaroon umano ng MIS ang bata, isang kondisyon na namamaga ang katawan habang nilalabanan ang virus.
Pinag-aaralan pa ngayon kung may direktang kinalaman ang COVID-19 sa MIS.
Pero maraming kaso na raw ang naitala na nagkaroon ng MIS ang mga batang nagpositibo sa COVID-19.
“COVID does not only affect the lungs. Or it’s not only the cough, colds, diarrhea, loss of sense and smell. This is an eye-opening situation wherein Ysa got infected with COVID and it wasn’t a cough or a cold,” ani Yap.
“It is a serious skin condition that affected everything including her eyes. This is very, very serious and this is not common, but COVID is real and COVID does have signs and symptoms that are not only in the lungs or airways,” sabi pa ng duktor.
Ayon sa ama ni Ysa na si Felix Bustamante, hindi pa niya nadadalaw ang anak dahil ipinagbabawal ang bisita sa COVID ward.
“Parang bumagsak ang mundo ko sa awa ko sa anak ko. Sa kaniyang murang edad nakaranas siya ng ganong sakit. Parang gusto ko nang bumigay,” ani Felix.
“Pero pag naisip ko na paano lumaban ang anak ko sa kaniyang karamdaman, ang anak ko, ako pa kaya?” dagdag ng ama.
Kasabay nito, nanawagan ng tulong si Felix sa pagpapagamot sa kaniyang anak.
“Sa mga taong may magandang kalooban, nagmamakaawa ako. Sana matulungan kami sa financial na pangangailangan para pangbayad sa bill sa ospital,” pakiusap niya.
Sa mga nais tumulong, maaaring makipag-ugnayan sa pamilya Bustamante:
Abegail Llanto (Gcash): 0926 834 5084
Felix Bustamante: 0967 735 4434
-- FRJ, GMA News