Hindi tulad ng ibang nagigipit na OFW sa abroad na napipilitan maghanap ng makakain sa mga basurahan, may ilang Pinoy sa abroad ang nag-e-enjoy sa paghahalungkat sa mga basurahan para maghanap ng gamit o pagkain na mapapakinabangan.
Sa ulat ni Kara David sa programang "Brigada," sinabing "dumpster diver" ang tawag sa mga naghahalungkat ng mga mapapakinabangan sa mga basurahan.
Legal o pinapayagan daw ito sa ilang bahagi ng Amerika tulad sa Florida, kung saan nakatira si Aiza French.
Bago pa lang daw sa pagiging dumpster diver si Aiza, at nahikayat siyang gawin ang paghahalungkat sa mga basurahan dahil sa napanood niya sa video.
Noong una, hindi raw siya makapaniwala tungkol sa mga gamit na nakikita sa mga basurahan hanggang sa siya na mismo ang makaranas na maka-"jackpot" sa basura.
Bukod sa mga gamit tulad ng mga sapatos, damit, bag at gamit sa kusina na ang iba ay halos bago pa, nakapulot na rin siya ng mga alahas sa basurahan na mga nakakahon pa.
May mga nakukuha rin siyang mga prutas at inumin na itinatapon umano ng grocery store na malapit sa kanila.
Pero ano naman ang ginagawa niya sa mga bagay na nakukuha niya sa mga basurahan at pabor ba ang kaniyang mister sa ginagawa niya?
Tunghayan ang video na ito at kilalanin din ang Pinay dumpster diver sa Japan na mapapa-"mine" ka sa mga napupulot niya. Panoorin.
--FRJ, GMA News