Nasawi ang isang pitong-taong-gulang na babae, at nasugatan naman ang dalawang iba pa matapos silang makapitan ng dikya sa beach sa Del Gallego, Camarines Sur.

Napag-alaman na tanghali nitong Lunes nang magkayayaan ang biktima na si Rhian Ley Benvinoto at ilan pa niyang kaanak na maligo sa isang beach sa Barangay Sinuknipan.

ALAMIN: First aid tips kapag kinapitan ng dikya

Nasa mababaw na bahagi lang umano ng tubig ang biktima nang magsisigaw ito dahil sa pagkapit ng dikya sa kaniyang binti at paa na pinaniniwalaang isang uri ng box jellyfish.

Nagtulong-tulong ang mga tao na alisin sa biktima ang nakakapit na dikya. Pero nawalan siya ng malay at hindi na umabot ng buhay sa ospital.

Nakapitan din ng dikya ang kaniyang tiyuhin at pinsan pero nakaligtas.

Ipinagtataka naman ng ama ng biktima na nasa trabaho noon nang mangyari ang insidente kung bakit bukas ang resort at pinayagang tumanggap ng mga bata gayung mayroon pang pandemic.

Nakipag-usap na umano ang may-ari ng resort sa pamilya ng biktima at nangako na magbibigay ng tulong.

Ipinaliwanag ng may-ari ng resort na naglagay sila noon ng net para hindi makapasok ang dikya pero nasira umano ng bagyong "Dante" at kasalukuyan pang ginagawa.

Pansamantala daw nilang isasara ang resort.

Sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na isang uri ng mapanganib na box jellyfish ang dumikit sa biktima.--Peewee C. Bacuño/FRJ, GMA News