Kung si dating Speaker at Taguig Representative Alan Peter Cayetano ang tatanungin, hindi siya pabor na tumakbo sa pagka-bise presidente sa 2022 elections si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ginawa ni Cayetano ang pahayag kasunod ng resolusyon na ipinasa ng national council ng PDP-Laban na hikayatin si Duterte na tumakbong vice president.
"Sasabihin ko sa kanya [Duterte], boss, isa ka sa naging pinaka magaling na presidente, baka tamaan pa ‘yung legacy mo," ani Cayetano.
"At you know, marami pang issues, alam mo kahit sinong susunod na presidente, kahit si Leni, magtatanong sa’yo 'yan, so just be the elder statesman," dagdag niya.
Maapektuhan umano ang mga magagandang nagawa ng Duterte administration kung patuloy na magiging bahagi si Duterte ng susunod ng administrasyon.
"Paano kung yung manalo hindi yung inindorse niyang presidente, e 'di mag-aaway pa sila," sabi ni Cayetano.
Si Cayetano ang naging kandidatong bise presidente ni Duterte pero natalo noong 2016 elections.
Kamakailan lang, inihayag ni Cayetano na pinag-aaralan niyang tumakbong pangulo sa 2022.--FRJ, GMA News