Madiin at galit na mga salitang binitiwan ni Philippine National Police chief Police General Guillermo Eleazar nang makaharap niya ang pulis na bumaril nang malapitan sa isang 52-anyos na babae sa Quezon City.
Sa video, makikita na hinawakan sa damit at pigil na isinalya ni Eleazar sa dingding ang suspek na si Master Sergeant Hensie Zinampan.
"Anong inisip mo nang ginawa mo yon," galit na tanong ng pinuno ng kapulisan habang nakaturo ang daliri niya sa ulo ng pulis.
"Anong tingin mo sa ibang tao, anong tingin mo sa ibang tao para gawin 'yon," patuloy pa niya.
Namura din ni Eleazar si Zinampan sa sama ng loob dahil sa epekto ng ginawa nitong krimen sa imahe ng kapulisan.
"Tangina ka, hirap na hirap tayo para ayusin ang itong organisasyon tapos 'yon ang gagawin mo," anang opisyal.
Nag-viral ang video na nahuli-cam ang ginawang pagbaril ni Zinampan sa kapitbahay niyang si Lilibeth Valdez, sa Barangay Greater Fairview.
Ayon kay Eleazar, sasampahan ng kasong murder si Zinampan, nakatalaga sa PNP–Police Security and Protection Group.
“Nagbigay ako ng instruction sa direktor ng QCPD, dahil lahat naman ng ebidensiya na kailangan na gagamitin natin para ma-file-an ng kasong murder, is ma-file agad namin," saad ni Eleazar sa press conference nitong Martes.
Kuwento ng anak ng biktima, galing sa tindahan ang kaniyang ina nang komprontahin ng suspek na armado ng baril.
Hindi nagtagal, sinubunutan ni Zinampan ang biktima at binaril sa ulo.
Bago ang krimen, napag-alaman na nakaaway ni Zinampan ang isang anak na lalaki ng biktima noong Mayo 1. --FRJ, GMA News