Tinanggap ng PDP-Laban national council nitong Lunes ang resolusyon na humihiling kay Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbong bise presidente sa Eleksyon 2022. Siya rin ang papipiliin kung sino ang nais niyang maging pambato ng partido sa panguluhang halalan.
Ayon kay PDP-Laban vice president for external affairs Raul Lambino, ang resolusyon ay natanggap ng partido mula sa ibang rehiyon, local government units at chapters ng partido, na nais patakbuhin bilang pangalawang pangulo si Duterte, na matatapos ang termino bilang pangulo sa susunod na taon.
Una rito, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na tatakbo si Duterte bilang pangalawang pangulo batay sa mensahe umano ng Diyos.
Sinabi naman ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na dapat maging running mate si Duterte ng anak niyang si Davao City Mayor Sara Duterte, na kasama ang pangalan sa mga lumalabas na survey na posibleng tumakbong pangulo sa 2022.
Noong Marso unang lumutang ang resolusyon na hikayatin ang nakatatandang Duterte na tumakbong pangalawang pangulo.
Ayon kay Hose Deputy Speaker Eric Martinez, opisyal ng partido, nais nilang maipagpatuloy ng administrasyon ang mga nasimulan nitong programa sa bansa.
Gayunman, sinabi ni Senador Manny Pacquiao, acting president ng PDP-Laban, na hindi awtorisado ng pamunuan ng partido ang resolusyon dahil nais muna nilang isantabi ang pulitika at matutukan ang problema sa COVID-19 pandemic.—FRJ, GMA News