Gumagawa na rin ng paraan ang ilang lokal na opisyal para mahikayat ang mga tao na magpaturok ng COVID-19 vaccine. Ang isa bayan sa Pampanga, buwanan ang pa-raffle ng baka.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, inihayag ng isang opisyal ng San Luis, Pampanga na P30,000 ang katumbas na halaga ng ipinapa-raffle na baka.
"Alam naman natin marami pa ring hesitant magpabakuna COVID-19, kaya ang gumawa ng paraan ang ating municipal mayor na kung saan magkakaroon tayo ng raffle every end of the month, ang premyo ay isang buong baka," sabi ni Ardee Taruc, public information office chief ng San Luis.
BASAHIN: Pa-raffle ng baka para sa mga magpapaturok ng COVID-19 vaccine, pakulo sa Thailand
Target umano ng San Luis, Pampanga na makapagbakuna ng 40,000 hanggang 50,000 katao na nasa A1 hanggang A3 category.
Dumami naman daw ang nais magpabakuna pero 300 hanggang 700 doses lang daw kada linggo ang nakukuha nila mula sa national government.
Kaya naman 1,400 pa lang ang kanilang nababakunahan.
Sa kabila nito, nagpapasalamat pa rin naman ang lokal na pamahalaan.
Sa Barangay Sucat, Muntinlupa, may pa-raffle rin ang kanilang lokal na opisyal para sa isang sakong bigas na puwedeng mapanalunan ng mga nagpabakuna.
Sa Guagua, Pampanga, namahagi naman ng libreng mga gulay sa 600 senior citizens na nagpabakuna.
Ang mga gulay ay galing daw sa La Trinidad, Benguet na sister municipality, Guagua na nabili sa mas mababang presyo.--FRJ, GMA News