Gumagamit na ng pala ang ilang residente sa Coonabarabran, Australia para ilagay sa sako at itapon ang mga patay na daga na namemeste ngayon sa kanilang lugar.
Sa video ng GMA News Feed, sinabi ni Kodi Brady na nagiging ritwal na niya ang pagpala sa mga patay na daga sa kaniyang sakahan.
Pero bukod sa perwisyo na idinudulot ng mga daga sa tanim, pasakit din sa ilong ang masangsang na amoy ng mga patay na peste.
Nilulunod o nilalagyan ng lason ng mga residente ang mga daga.
"The smell is rotten. The live smell of mice is terrible, but the dead smell's ten times worse and so I've been baiting... which I don't really like baiting because of the effects on the wildlife and that. I do live in a really nice area with lots of wildlife and that," sabi ni Brady sa ulat ng Reuters.
"But my morning ritual is to go out and I get a couple of hundred mice every night, I catch in buckets. The water bucket traps. I've got about 15 bait stations and I spend at least an hour every morning and every night picking up dead mice to reduce that risk of the wildlife getting hurt," sabi pa niya.
Ilang buwan na umanong pinepeste ng mga daga ang lugar matapos magkaroon ng pag-ulan na tumapos sa nagdaang matinding tagtuyot.
Dahil sa pag-ulan, gumanda ang kanilang mga tanim tulad ng palay pero nagkaroon din ng makakain ang mga daga.
Nitong Mayo, nag-alok ang New South Wales state ng libreng pain sa mapuksa ang mga daga. Pero dahil sa sobrang dami, baka hindi raw ito maging epektibo dahil na rin sa bilis ng pagpaparami ng peste.
Sa ngayon, umaasa na lang daw ang mga residente na magkaroon pa ng malakas na pag-ulan para malunod ang mga daga.--FRJ, GMA News