Nakuha na rin ng isa pa sa dalawang tumama sa Ultra Lotto 6/58 draw noong Marso ang parte sa pinaghatian nilang premyo na P55,075,262.80.

Sa isang pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office na makikita sa kanilang website, sinabing messenger ang trabaho ng nanalo at binili nito ang kaniyang winning ticket sa Las Piñas City.

Ang draw noong Marso 23 para sa Ultra Lotto 6/58 na may kombinasyon na 16-27-08-05-12-23, ang tinamaan ng masuwerteng messenger at ng isa pang mananaya.

Dahil sa hirap ng buhay, tumigil umano sa pag-aaral ang isa nitong anak upang tumulong sa kanila sa pagtatrabaho.

Plano umano ng messenger na bumili ng pinapangarap nilang bahay, magtayo ng negosyong tindahan at mapag-aral na kanilang mga anak.

Napag-alaman na dati na ring tumama ang messenger ng limang numero sa jackpot at patuloy na tinatayaan ang mga alagang numero.

Nauna nang nakumbra noong huling linggo ng Marso ng isa pang nanalo ang kalahati ng premyo na mula naman sa North Fairview, Quezon City.--FRJ, GMA News