Isang traffic enforcer sa Maynila ang sinibak sa trabaho matapos makita sa video na walang kasalanan ang motorista na sinita niya at tiniketan pa sa España nitong Sabado.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ikinuwento ng motoristang si Miguel Vistan na pinara siya ng traffic enforcer na si Efren Fria dahil umano sa "beating the red light."
Pero may dashcam si Vistan at makikita sa video na berde ang traffic light at hindi pula nang tumawid siya.
"Pinilit niya talaga eh. Natakot kami ng passenger ko. Ako personally decided to surrender na lang 'yong license ko para lang matapos na, para makalagpas na," paliwanag ni Vistan.
Ipinost ni Vistan kinalaunan ang video sa social media at napanood ito ni Wilson Chan Sr, na operation chief ng Manila Traffic and Parking Bureau.
"Mali po 'yong paniniket ni Mr. Fria. Sabi ko 'Ito o. Kitang-kita, papaano mo sasabihing nag-beat siya ng red light?' So sa bandang huli siguro, nahimasmasan siya at nagpakumbaba na lang. Humingi siya ng kapatawaran kay Mr. Vistan po," ayon kay Chan.
Pero sinibak pa rin niya sa puwesto si Fria, na dati na rin daw nasangkot sa katulad na insidente.
"Ang opisina po ay hindi po kumokunsinte sa mga ganoong attitude ng ating mga enforcer," dagdag ng opisyal.
Sinikap ng GMA News na makuha ang panig ni Fria pero tumanggi na siyang magsalita tungkol sa nangyari.
Sinabi naman ni Vistan na mahalaga talaga sa mga motorista ang mayroon camera ang sasakyan.--FRJ, GMA News