Sa mga kababaihan, kadalasang nagsisimula ang pagreregla sa edad na 10 hanggang 12-taong-gulang, at magiging menopausal na sa edad na 48 o 50. Pero normal nga ba sa isang babae kung makaranas na siya ng early menopause sa edad 40?

Sa programang "Pinoy MD," ipinaliwanag ng Obstetrician Gynecologist na si Dr. Raul Quillamor, na ilan sa dahilan ng pagkakaroon ng early menopause sa edad 40 ay ang metabolic problems na dulot ng kondisyon sa thyroid gland.

Isa pang sanhi nito ay ang pagkakaroon ng cancer at sumailalim ang isang babae sa chemotherapy, at maaapektuhan ang kaniyang obaryo dahil sa iniinom na gamot.

Patuloy pa ni Quillamor, maaari ding mangyari ang early menopause dahil sa ilang genetic problem.

Sa dati niyang panayam, ipinaliwanag ng duktor na perimenopause ang tawag sa yugto ng isang babae kung saan malapit na rin siyang maging menopause.

Tunghayan ang buong pagtalakay sa isyu sa video ng "Pinoy MD." --FRJ, GMA News