Hindi inakala ng isang tindera sa Bacolod City na isang daga pala ang salarin sa pagkawala ng kaniyang mga pera na aabot sa mahigit P4,000.
Sa ulat ni Adrian Prietos sa GMA Regional TV "One Western Visayas," sinabi ng may-ari ng karinderya na si Sheryl Tayhopon , 39-anyos, na madalas na nawawalan siya ng pera sa tindahan.
Inaakala raw ni Tayhopon na posibleng nakakalimutan lang niya kung saan niya nailalagay ang pera dahil na rin sa kaniyang edad.
Pero isang araw, natuklasan niya na hindi siya ang nakakawala sa pera kung hindi "kinukupit" pala ng "kasama" niya sa karinderya na isang daga.
Nasilip kamakailan ni Tayhopon ang butas sa dingding at nang kaniyang suriin ang loob, nakita niya ang mga pera na mula P20 hanggang P1,000.
Ang kabuuang halaga ng "naipon" ng daga--P4,200.
Buo pa naman ang mga pera maliban sa P1,000 na bahagyang nangangat pero hindi naman napinsala ang serial number.
Sa kabila ng nangyari, nagpapasalamat pa rin si Tayhopon sa daga dahil sa naipon nitong pera na magagamit daw niya sa tuition ng kaniyang anak.
Aminado kasi si Tayhopon na apektado rin ng pandemiya ang kita sa kaniyang karinderya.
Gagawa rin daw siya ng paraan upang hindi na makupit ng daga ang kaniyang pera. --FRJ, GMA News