Hindi akalain ng ilang kalalakihan sa Himamaylan, Negros Occidental na may makikita silang mga antigong barya sa hinuhukay nila na gagawin sanang poso-negro. Malaki nga kaya halaga ng mga barya gaya ng hinala ng ilang netizens?
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing nakakadalawang talampakan pa lang ang paghuhukay nina Brian nang makita nila ang barya na balot ng putik at magkakadikit.
Maingat nilang pinaghiwa-hiwalay ang barya at nilinisan upang makita ang hitsura ng mga ito. Lumitaw na ginawa ang mga barya noong panahon ng pananakot ng mga Amerikano sa Pilipinas.
Nang i-post nila sa social media ang ilan sa mga barya, nagkomento ang ilang netizens na pang-collector's item ang mga nahukay nila at posibleng mahal ang halaga na aabot sa P28,000 ang isa.
Ang isang kolektor, interesado sa dalawang barya na isang 1915 USPI One Centavo Coin at isang 1909 USPI One Centavo Coin.
Pero magkano nga kaya ang halaga ng mga antigong barya at papaanong nagkaroon ng mga barya sa lupang hinukay nila? Tunghayan ang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News