Magkasamang binuo at nakamit ng parehong empleyado na sina Ramil at Grace Tan ang pinapangarap nilang sariling bahay. Para makatipid, si Ramil na ang gumawa sa ilang bahagi ng kanilang bahay kahit pa sumasailalim siya sa chemotherapy dahil sa sakit niyang stage 4 cancer.
Pangarap daw talaga ni Ramil na magkaroon ng sariling bahay dahil naranasan nito na magpalipat-lipat ng iniuupahang bahay. Kaya naman nang magkaroon ng pagkakataon, sinikap nila ni Grace na makabili ng lupa sa Batangas na tinayuan nila ng kanilang dream house.
Proud si Grace sa kasipagan ng mister dahil ito ang gumagawa sa ilang bahagi ng bahay kahit pa nakikipaglaban sa stage 4 thymus gland cancer o thymic carcinoma.
Dahil din sa kaniyang karamdaman, natigil si Ramil sa pagtatrabaho. Pero hindi iyon naging balakid para panghinaan siya ng loob.
Lalong naging matatag ang pananampalataya ni Ramil at nagtrabahong delivery driver para kumita kahit pa nagpapa-chemo.
Ngunit panibagong pagsubok ang kinaharap ng mag-asawa nang matuklasan na nagkaroon din ng diabetes si Ramil na nagpahina pa lalo sa kaniyang katawan.
Gayunpaman, determinado pa rin si Ramil na buuin ang dream house nila ng pinakamamahal na asawa.
Pero nang lumubha na ang kaniyang kondisyon, na-ICU na si Ramil noong Marso 17, at sa sulat at video call na lang sila nakapag-uusap ni Grace.
Hanggang sa noong Marso 23, tuluyang pumanaw si Ramil sa mismong kaarawan niya.
Tunghayan ang pambihirang kuwento ng pag-iibigan nina Ramil at Grace, at kung papaano naipakita ni Ramil ang kaniyang dedikasyon bilang isang mabuting kabiyak. Panoorin ang video ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
--FRJ, GMA News