Sa murang edad na sampu at maliit na katawan, batak na sa trabaho sa bukid ang batang si Reymark ng Sultan Kudarat. Kasama ang kabayong si "Rabanos," magkatuwang nilang binubungkal ang lupa para makapagtanim ng gulay na pinagkukunan ng kabuhayan ng kaniyang lolo't lola.
Sa episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong Linggo, sinabing napunta si Reymark sa pangangalaga ng kaniyang lolo't lola na sina Rudy at Nerissa, nang magkaroon ng ibang pamilya ang kaniyang ina.
Ang ama naman ni Reymart, nabilanggo dahil sa ilegal na pag-iingat ng baril, na ayon kay lolo Rudy ay wala namang bala.
Upang makatulong sa kaniyang lolo na matanda na at malabo na rin ang mata, nagpasya si Reymart na sumama sa pagbubungkal ng lupa.
“Naaawa rin. Kasi batang-bata pa eh. ‘Yung mga ibang bata, laro lang ang kanilang iniisip,” ayon kay lolo Rudy.
Ikinuwento ni Reymark na hindi maiwasan na kung minsan ay masugatan siya sa pag-aararo. Bukod pa sa panganib ng paglalakbay paakyat ng bundok kung saan sila nagtatanim ng gulay.
Kahit bata, alam na ni Reymart na kailangan niyang magbanat ng buto para may pambili sila ng pagkain kahit man lang sandinas.
"Wala na kaming chance yumaman sa mundo, Ma'am, dahil ang amin lang po 'yung makakain kami sa isang araw,” ani Reymark.
Magiging dagdag na pahirap kina Reymark sakaling mawala ang katuwang niya sa pag-aararo na si Rabanos na 24 na taon na.
Wala naman magawa sina lola Rudy at lola Nerissa na masuportahan at maibigay sa apo ang kaginhawahan dahil matatanda na sila.
Mula nang makulong ang ama ni Reymark noong apat na taong gulang pa lang siya, hindi na nagkita ang mag-ama.
“Nagawa ko pong mag-araro dahil sa kanya. Hindi rin niya gusto pero anong gawin namin?," naiiyak sabi ni Reymark tungkol sa ama.
“Miss ko na, dahil napapagod na po akong mag-araro dahil lang sa kaniya. Kung nandito lang po siya, hindi na po ako mag-aararo. Pero sige lang, kakayanin ko para sa pamilya ko,” sabi pa ng bata.
Mapalad ang mga bata na kasama ang mga magulang sabi ni Reymark.
Sa kabila ng kaniyang dinadanas, inihayag ni Reymark ang pangarap niyang maging sundalo para ipagtanggol ang mga inaapi.
Nang malaman ng Department of Social Welfare and Development, Department of Agriculture at local government unit ng Bagumbayan, Sultan Kudarat, ang kalagayan ni Reymark, kaagad na gumawa sila ng paraan upang tulungan ang bata at ang kaniyang lolo't lola.
Kasama rin sa tinulungan ang kabayong si Rabanos. Tunghayan ang nakaantig na kuwento ni Reymark sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News