Tularan natin ang ginawang paglilingkod ni Hesus para sa mga tao (Marcos 10:32-45).

Kung minsan, may mga boss sa mga opisina o tanggapan na nagkakaroon ng pagtatangi sa mga kawani at maging sa mga tao na kanilang pinagsisilbihan. Ang tawag diyan ay "palakasan."

Sa ating Mabuting Balita (Marcos 10:33-45), mababasa natin ang paglapit kay Hesus ang mga Anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan.

Nais hilingin ng magkapatid kay Kristo na sana ay makasama sila sa Kaniyang karangalan at maupo ang isa sa kanan at ang isa naman sa Kaniyang kaliwa. (Marcos 10:35-37)

Ngunit winika ni Hesus na ang mga karangalang ito ay para sa mga pinaglalaanan ng Kaniyang Ama, na ang ibig sabihin ay nakalaan ang mga upuang para sa mga taong karapat-dapat. (Marcos 10:40)

Kaya naman nagbigay ng halimbawa si Kristo na kung sinoman sa Kaniyang mga Alagad ang nais maging dakila ay dapat maging lingkod ng mga tao.

Habang ang sinoman sa kanila na nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. (Marcos 10:43-44)

Ipinapahiwatig sa Pagbasa ang tungkol sa "palakasan" o kung sino ang kadikit sa isang pinuno ay iyon ang nabibigyan ng mas magandang puwesto. O kaya naman ay mas pinapaboran ng isang kawani na unahing pagsilbihan ang mga taong kakilala o may kakayahang magbigay ng pabor. 

Subalit itinutuwid ng ating Panginoong Hesus ang mali at masamang kalakarang ito. Sapagkat ang sinoman na nais maging lider ay kailangan munang matutong maglingkod sa kaniyang kapuwa.

Minsan hindi nagiging makatarungan ang palakad sa loob ng isang opisina. Madalas na ang nakadikit sa boss ang nabibigyan ng magandang katungkulan kahit hindi naman sila karapat-dapat.

Samantalang ang mga taong nagsisikap at mas karapat-dapat na ginagawa ang makabubuti sa kompanya ay nababalewala dahil wala silang kapit.

Pinapaalala sa atin ng Ebanghelyo na kailangan natin unahin ang kapakanan ng mga taong pinamumunuan o pinagsislbihan natin imbes na ang ating mga sarili. Dahil ito ay isang obligasyon na kailangan nating gampanan.

Sa Pagbasa, inihalimbawa ng ating Panginoong HesuKristo ang Kaniyang sarili na ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng Kaniyang buhay para sa ikatutubos ng marami. (Marcos 10:45)

Itinuturo lamang sa atin ni Hesus na ang katungkulan o posisyon sa isang opisina o ahensiya ay hindi kaharian na ang mga tao ang dapat magsisilbi at maglilingkod na para bang isang hari ang nakapuwesto.

Sa halip, dapat nating ituring ang ating sarili na parang isang alipin na naglilingkod sa mga tao tulad ng ginawa ni Hesus bagama't Siya ay isang Hari, Panginoon at bugtong na Anak ng Diyos. Hindi Niya kailanman na itinuring Kaniyang sarili na mas mataas kaysa sa mga tao kundi Siya ay nagpakababa.

Ang ating Ebanghelyo ay isang pagpapaalala na hindi dapat abusuhin ang kapangyarihan at katungkulan dahil ito ay ipinagkatiwala lamang sa tulong at gabay Panginoong Diyos.

Sa halip, dapat nating unahin ang kagalingan at kapakanan ng ating kapuwa sapagkat ang tunay na kahulugan ng paglilingkod ay sakripisyo. Nawa'y matutunan natin ang naging halimbawa ni Hesus.

Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, nawa'y magawa rin namin ang iyong halimbawa na ang paglilingkod ay ang pagbibigay ng aming buhay para sa mga tao. AMEN.

--FRJ, GMA News