Matapos ang ilang linggong espekulasyon, kinumpirma na ni Jennica Garcia na hiwalay na sila ng kaniyang asawang si Alwyn Uytingco.

Sa panayam ng GMA Network, hindi sinabi ng aktres ang mga dahilan ng pagwawakas ng kanilang pagsasama ng aktor.

"That's the most that I could say right now. That's the most that I can say now. It's the reason din kasi talaga kung bakit kinailangan [ko] bumalik sa pag-a-artista," simple niyang pahayag.

"From a family-of-four, we are now just a family-of-three, sacrifices must really be made," dagdag niya.

Matapos ng walong taong pamamahinga sa showbiz para tutukan ang pamilya, sinabi ni Jennica na magbabalik siya sa trabaho.

"For the past seven to eight years, what I did was, I made this decision to really focus on my kids, and to do that, hindi talaga ako puwede gumawa ng teleserye kasi three times a week ang taping noon," paliwanag niya.

"So ang ginagawa ko lang is guestings kung saan two to three days max 'yung trabaho. Wala kang commitment to that show for months and years. And it was working naman with our setup before," patuloy niya.

Nagpasalamat si Jennica sa GMA-7 sa pagtanggap muli sa kaniya "fully as an artist."

Makakasama si Jennica sa afternoon drama series na "Las Hermanas", bilang si Brenda, ang kontrabida kay Yasmien Kurdi na gaganap bilang si Dorothy.

Bago ang pag-amin, ilang linggo nang usap-usapan ang posibleng paghihiwalay ng mag-asawa mula nang mapansin ng netizens na hindi na kasama sa mga larawan na ipinopost ni Jennica ang kaniyang mister.

Taong 2014 nang magpakasal si Jennica, anak ng batikang aktres na si Jean Garcia, kay Alwyn, at nagkaroon sila ng dalawang anak na sina Athena Mori at Alessi. —FRJ, GMA News