Ano ang gagawin mo kung may makita kang pera na nakaipit sa ATM?
Sa Calasiao, Pangasinan, isang residente ang nakakita ng P10,000 cash na naiwang nakaipit sa isang ATM. Papaano kaya naiwan ang pera at naibalik kaya ito sa may-ari? Alamin ang kuwento.
Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, napag-alaman na isang ginang na benepisaryo ng 4Ps at itinago sa pangalang Lydia, ang may-ari ng naturang pera.
ALAMIN: Ano ang dapat gawin kung nag-withdraw sa ATM pero walang lumabas na pera at nakaltasan ang account?
Kuwento niya, inutusan niya ang kaniyang anak na i-check ang kaniyang cash card sa ATM ng Landbank at alamin kung may laman na pera matapos ma-hold ang kaniyang ayuda sa Department of Social Welfare Department.
Ang bilin umano ni Lydia sa anak, kung may laman ang card, mag-withdraw ng halagang P1,000.
Pero dahil sa hindi masyadong marunong gumamit ng ATM, nagpatulong umano ang anak sa isang kakilala.
Ayon sa Alicia Cagaoan, manager ng bangko, lumitaw na may kalabuan ang mata ng taong tumulong sa anak at halip na P1,000 ay P10,000 ang napindot na halaga.
Ngunit may lumabas umanong "sorry" sa machine at lumabas ang ATM card.
Ang akala ng anak, hindi natuloy ang withdrawal at umalis na lang ito dala ang ATM card.
Ang hindi alam ng anak, may lumabas na P10,000 at naiwang nakaipit sa makina.
Isang residente naman ang nakakita sa nakaipit na pera at kaniya itong kinuha. Pero sa halip na pag-interesan, dinala ng residente ang pera sa barangay kasama na ang resibo o withdrawal slip.
Ang barangay, ipinost naman sa social media ang pera para matukoy kung sino ang may-ari.
Dahil may withdrawal slip, natukoy ng Landbank ang may-ari ng pera at naibalik kay Lydia.
Nagpasalamat ang ginang sa mga taong naging instrumento para maibalik sa kaniyang ang pera at may natutunan daw siya sa naturang insidente. --FRJ, GMA News