Dahil sa pandemya, napilitan ang isang young couple sa Pangasinan na iwan ang kani-kanilang trabaho at nag-isip ng negosyong pagkakakitaan. Ang nagpaangat sa kanila sa buhay, ang negosyo ng pamilya na iniisnab nila noon--ang bangus.

Sa isang episode ng "Pera Paraan," ikinuwento ng mag-asawang Jam at Clark Ybañes, na naisipan muna nilang pasukin ang essential business pero hindi sila nagtagumpay.

Hanggang sa mabaling na ang atensiyon nila sa negosyo ng pamilya na bangus na hindi nila pinapansin noon.

Pero nilagyan nila ng twist ang kanilang bangus business, tulad ng paglalagay ng iba't ibang timpla at iba't ibang luto tulad ng embutido, lumpia, tocino at iba pa.

Dahil sa naging karanasan nila sa unang negosyong pinasok pero hindi pumatok, P5,000 lang muna ang puhunan na inilagay nila sa bangus business.

Pero ngayon, umaabot na sa P300,000 hanggang P500,000 bawat buwan ang kanilang kita.

Bukod dito, nakatutulong din sila sa pagbibigay ng trabaho at kita tulad sa kanilang mga reseller.

Tunghayan ang kuwento ng kanilang tagumpay sa video ng "Pera-Paraan."

--FRJ, GMA News