Halos hindi na raw makatulog sa takot ang ilang overseas Filipino workers (OFWs) sa Israel dahil sa patuloy ang palitan ng mga bomba ng Israeli forces at Hamas group sa Palestine. At habang ini-interview, napatakbo ang isang OFW nang tumunog ang alarma na senyales ng paparating na bomba.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing nakatira lamang ang OFW na si Arwin Sausa ilang kilometro mula sa Gaza.
"Nangyayari po kapag gabi na, nakapikit lang po kami pero ang diwa po namin gising. Kasi nga po anytime may bomba po na dumadating, nakakatakot po kasi eh," kuwento ni Sausa.
"'Yung location po kasi ng bahay namin kami po 'yung nasa pinakaunahan kaya po matatanaw namin 'yung Gaza at saka po 'yung mga binabato nila. Kaya po talagang dapat gising ka lagi tapos alerto ka," patuloy niya.
Sa tuwing may paparating na bomba o missile, tutunog ang sirena kasabay ng pag-alarma ng kanilang cellphone para magbigay sa kanila ng babala.
WATCH: Lumalalang sitwasyon sa Israel at Gaza
Kapag nadinig nila ang larma, kailangang tumakbo ni Sausa at ng kaniyang mga kasamahan papunta sa kanilang safety bunker o "mamad."
"Mapapaisip ka na lang din po na what if 'yung bomba tumama sa ganiyan tapos mabasag 'yung mamad. Mapapaisip na lang din po talaga kaya pray na lang po 'yung talagang kakapitan," sabi ni Sausa.
May mga araw ding magkakasunod ang mga pagsabog.
Sa video na kuha ng OFW din na si Vejay Ellano, makikita ang pagliwanag ng kalangitan sa gabi, na susundan ng dagundong ng mga bomba na tila fireworks display na kung minsan dahil sa dami.
Habang kausap ng GMA News si Sausa, biglang tumunog ang kaniyang alarm kaya nagtakbuhan sila sa safety bunker.
Nang tumigil na ang alarma na senyales na ligtas nang lumabas mula sa bunker, ipinagpatuloy ng GMA News at ni Sausa ang pag-uusap.
Pero muling naulit ang dagundong ng mga bomba kaya muling napatakbo si Sausa.
"Para kaming nakikipagpatintero rito," sabi ni Sausa na itinuro ang mga bakas ng bomba.
"Iniisip ko na lang din po ang kaligtasan namin tapos nagdadasal na lang po palagi. Tapos nililibang na lang din po ang sarili. Kami po dito naglalaro na lang kami ng mobile games tapos kuwentuhan na lang dito sa loob," ayon kay Jimmer Bucasas, isa pang OFW.
Parehong mga argonomist sina Sausa at Bucasas sa isang farm.
Sinabi ng Department of Foreign Affairs na nakalatag na ang mga plano sakaling malagay sa panganib ang mga Pilipino sa Israel.
Sa mismong araw ng Eid'l Fitr nitong Huwebes, muling tinarget ng airstrike ng Israel ang Gaza.
Isa sa tinamaan ang gusali na pinaniniwalaang kuta ng Palestinian militant group na Hamas.
Sa ibang airstrikes, tinamaan din umano ang intelligence at military launchers ng Hamas.
Muling tumindig ang tensyon sa pagitan ng Israel at Palestine matapos iutos ng Israeli court ang pagpapaalis ng mga pamilyang Palestino sa isang komunidad sa East Jerusalem.
Sumunod pa rito ang raid sa isang Mosque. Magmula nito, nagpalitan ng pag-atake ang Israel at Hamas.
Nasa 30,000 Pilipino ang nasa bansang Israel sa kasalukuyan.--Jamil Santos/FRJ, GMA News