Wala nang buhay nang madatnan ang isang dalawang-taong-gulang na lalaki na nalunod sa timba na kaniyang pinaglubluban sa Tarragona, Davao Oriental.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing malamig na bangkay na ang bunsong si Jay nang umuwi ang kaniyang ina na si Nerlin Grace Sibayan mula sa trabaho.

"Sir hindi ko talaga matanggap sir. Wala akong kamalay malay sir, doon ako sa Pantukan. Sabi ng nanay ko, patay na daw 'yung anak ko, wala na raw kamalay-malay," sabi ni Nerlin Grace.

Iniwan muna ni Nerlin Grace ang anak sa pangangalaga ng lola nitong si Nerlita.

Ayon kay Lola Nerlita, naglalaba siya nitong Martes ng umaga habang naglulublob sa timba ang kaniyang apo sa kanilang bakuran sa Barangay Central nang mangyari ang insidente.

"Noong una, naglaba raw siya. Pagkatapos maglaba, nagsaing ng pagkain saglit para sa breakfast nila. Pagbalik nila wala na talaga 'yung bata," ayon kay Rovil Matayab, NDRRMO officer.

Kaagad daw na binuhat ni Nerlita ang apo nang makita niya itong wala nang malay.

Pero tuluyan nang binawian ng buhay ang biktima.

Sinabi ng ina ni Jay na madalas nilang iwang naliligong mag-isa sa timba ang bata kaya hindi nila inisip na malulunod ito.

Pero paalala ni Matayab, huwag pabayaan at laging bantayan ang mga bata habang nagtatampisaw sa tubig lalo na ngayong mainit ang panahon.--Jamil Santos/FRJ, GMA News