Sa halip na ilibing, nagpasya ang amo ng tuta na isinilang sa Aklan na isa lang ang mata na ipriniserve [preserve] ito sa maliit na tila aquarium.
Sa programang "AHA!," sinabi ni Amie de Martin na Pebrero nang madinig nila na may mga tutang umiiyak.
Hindi naman daw sila nagtaka dahil buntis nga ang alaga nilang aso.
Pero nang lumabas ang pinakahuling anak ng aso, nakita nila na isa lang mata nito at walang bibig.
Namatay din kaagad ang tuta pero buhay at normal ang iba niyang kapatid.
Ang kalagayan ng tuta na isa lang ang mata ay tinatawag na cyclopia.
Isa umano itong pambihirang congenital disorder sa mga hayop, ayon sa AHA!
Nangyayari raw ang naturang disorder sa embryo stage o habang nabubuo pa lang ang anak sa sinapupunan ng kaniyang ina.
Maaaring dulot umano ng kemikal o gamot na nakain ng aso ang pagkakaroon ng abnormalidad ng kaniyang tuta.
Upang natiling buhay ang alaala ng tutang isa lang ang mata, naisipan nina Amie na i-preserve ito sa serlyadong glass box na puno ng formalin.
--FRJ, GMA News