Magkahalong galit at hinagpis ang naramdaman ng isang pamilya sa Nueva Vizcaya matapos pumanaw sa ospital ang kanilang anak makaraang maaksidente sa kalye. Nakita nila ang bangkay nito na parang "mummy" dahil sa pagkakabalot ng packing tape.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing dinala si Merwin Fabrigas sa Region II Trauma and Medical Center makaraang masangkot sa aksidente sa Bayombong, Nueva Vizcaya noong Abril 30.
Pero nitong Mayo 1, binawian na ng buhay si Fabrigas.
Naghihinanakit ang ina ni Fabrigas dahil dinala ang kaniyang anak sa ward para sa mga pasyenteng mayroong COVID-19.
Inalisan din daw ng life support ang kaniyang anak kahit buhay pa.
"Masakit sa kalooban. Naghahagulgol na lang ako ng iyak doon. Ayaw ko sanang mangyari, nagawa niyong manok ang anak ko. Pero wala silang pakialam imbis na 'yong anak ko sana sila na mag-asikaso... ganoon pa ang ginawa nila," hinanakit ni Mitchilou Fabrigas Sapipi, ina ng biktima.
Sabi pa ng ginang, "Hiling ko sana sa nurse at doktor na bigyan pa nila ng chance at nakita ko naman pong humihinga pa ang anak ko. Hindi po sila nakikinig sa akin."
Itinanggi naman ng ospital ang mga alegasyon ng ginang at ipinaliwanag kung bakit inilagay sa COVID-19 ward at ibinalot ng tape ang pasyente.
"The patient was declared dead doon na tinanggal ang life support para yung machine magamit ng ibang pasyente. So hindi namin tinanggal noong buhay siya," ayon kay Region II Trauma and Medical Center medical director Dr. Napoleon Obaña.
Itinuring din daw nilang suspected COVID-19 patient si Fabrigas dahil galing siya sa Quirino na mataas ang kaso ng COVID-19.
"May upsurge ng [COVID-19] cases in Quirino. So we want to safeguard also ang mga taga-Vizcaya. We have to treat it as parang COVID na rin dahil baka mag-infect eh. Baka magkalat ang infection," paliwanag pa ni Obaña.
Ipinaliwanag din ng opisyal ng ospital na bahagi ng "protocol" ang pagbabalot sa pasyenteng pumanaw na hinihinalang positibo sa COVID-19.
Gayunman, lumitaw sa resulta ng COVID-19 test ni Fabrigas noong Mayo 2, isang araw matapos siyang pumanaw, na negatibo siya sa virus.
"Had the RT-PCR come earlier, hindi namin yung ibabalot nang ganoon. That came very late," sabi ni Obaña.
Hindi naman matanggap ng ina ang paliwanag ng ospital at nais pa rin may managot sa ginawang pagtrato sa kaniyang anak.— FRJ, GMA News