Nagpapakatatag ang isang 64-anyos na ina para maalagaan ang kaniyang anak na lubhang lumobo ang tiyan dahil sa Stage 4 ovarian cancer. Ang nanay, ginagampanan ang kaniyang tungkulin sa kabila ng pagkakaroon ng bukol naman sa lalamunan.

Sa programang "iJuander," ipinakita ang pag-aalaga ni Nanay Nilda Salva, sa 32-anyos niyang anak na si Charlotte, na hindi makakilos dahil sa kaniyang kondisyon sa Gingoog City, Misamis Oriental.

Stage 4 na ang cancer ni Charlotte at active tumor ito, kaya madaling lumobo ang kaniyang tiyan.

Taong 2015 nang madiskubreng may tila fungi sa ari ni Charlotte nang magpa-checkup siya sa doktor, hanggang sa nagsimula nang lumobo ang kaniyang tiyan.

Pero dahil sa hirap ng buhay, ilang beses pa lamang siyang napatingin sa doktor, at nakadagdag pa ang layo ng kanilang tirahan mula sa siyudad.

Naging mas mahirap pa ang pagpapagamot ni Charlotte dahil sa pandemya.

Laging nakaalalay si Nanay Nilda sa anak na nahihirapan maging sa paghiga. Labing lima hanggang 30 minuto lang din puwedeng umupo si Charlotte dahil namamanas ang kaniyang mga paa, kaya madalas itong hilutin ng ina.

Hindi rin umaalis si nanay Nilda sa tabi ni Charlotte dahil 15 hanggang 20 beses siya kung umihi dulot ng karamdaman.

"Pagsisikapan ko dahil walang ibang mag-aalaga sa kaniya. Ako lang talaga. Inaalagaan ko siya hangga't may buhay pa siya. Ang pangarap ko ay mabuhay pa siya at magtatagal pa siya rito," sabi ni Nanay Nilda.

Gayunman, maging si Nanay Nilda ay meron ding karamdaman na bukol sa leeg at kamakailan din, natusok ng yero ang kaniyang ulo habang nagwawalis.

Tunghayan ang kanilang buong kuwento at alamin kung may paraan pa upang maibsan ang kalagayan ni Charlotte. Panootin ang video ng "iJuander."
--FRJ, GMA News