Patay ang isang 15-anyos na lalaki nang barilin umano ng kapitbahay dahil tumanggi sa utos sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City. Ang biktima, nagtamo ng tama ng bala sa mata.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Richard Misa, Grade 7 student.
Ayon sa magulang ng biktima, nauutusan ng mga kapitbahay ang kaniyang anak kapalit ng ibinibigay na barya.
"Kahit anong bagay po, inuutusan, sumusunod po 'yan," sabi ng ama na si Raul Misa.
Pero nitong Miyerkules, batay sa kuwento ng saksi, ilang beses daw inutusan ng suspek na si "Alias Negro" ang biktima para bumili ng kung ano-ano pero nang mapagod ay tumanggi na ito.
"Nabalitaan ko 'yung huling tinanggihan niya 'yung softdrinks po, sabi niya 'Kuya pagod na po ako, pahinga na po ako," naiiyak na kuwento ni Raul.
Nagalit umano ang suspek at naglabas ng baril.
"Naglabas yata ng baril pinaglaruan po sa harap ng anak ko. Merong witness na nagsabi sa akin na dalawang kalabit, hindi pumutok. 'Yung pangatlong kalabit, 'yun na po 'yun," sabi pa ni Raul.
Sa paunang imbestigasyon, sinabing nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang mata ang binatilyo.
Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang suspek, na hinamon ng ama ng biktima na sumuko na at harapin ang ginawang krimen.--FRJ, GMA News