Bukod sa pagbibigay ng patas na pagkakataon, ipinakita ng isang burger joint sa Mandaue City, Cebu na kaya rin ng mga Persons with Disability (PWD) tulad ng mga deaf-mute na makipagsabayan sa paghahatid ng dekalidad na serbisyo.
Sa online show na "On Record," sinabing binuksan ang Dubby's Ultimate Burger noong Mayo 2020, na pag-aari ng mag-asawang JP at Maymay Maunes.
Si JP ay isang Executive Director ng NGO para sa mga may kapansanan, kaya ang kanilang mga miyembro ang kinuha nilang mga empleyado.
Sa online menu ng Dubby's Burger, katabi ng bawat meal ang mga katumbas nitong mga icon ng sign language. Para maka-order magvi-video call ang customer at gagamit ng sign language.
"Karamihan po ng staff namin dito ay deaf o kaya ay may disability, pero proud po ako na ako po ang kauna-unahang deaf na milk tea barista rito. Gusto naming ipakita na kaya rin naming gawin ang nagagawa ng ibang tao," sabi ni Karen Jane Dianon, barista sa Dubby's Ultimate Burger.
"Few months ago when we opened to our dine ins, nasu-surprise po 'yung mga customers at nai-inspire po sila na 'yung nagse-serve sa kanila mga deaf or kung hindi deaf may disability. It's a good advocacy for us dito sa Dubby's," ayon kay JP Maunes. -- FRJ, GMA News