Itinigil muna ng Hong Kong ang plano nitong gawing mandatory ang pagtuturok ng COVID-19 vaccines sa mga dayuhang kasambahay matapos umangal ang human rights groups na isa itong uri ng diskriminasyon.
Sa ulat ng Reuters, sinabing iniutos ng pamunuan ng Hong Kong na ipa-COVID-19 test ang lahat ng mga dayuhang kasambahay bago sumapit ang Mayo 9.
Ginawa ang kautusan matapos na matuklasan na positibo sa mas nakahahawang variant ng virus ang isang kasambahay na mula sa Pilipinas.
Kailangan din na nabakunahan na ang isang kasambahay bago ma-renew ang kanilang kontrata.
Ngunit inanunsyo ni Hong Kong leader Carrie Lam nitong Martes na sinuspinde nila ang kautusan tungkol sa sapilitang pagbabakuna matapos magreklamo ang mga grupo ng mga manggagawa at maging ang ilang opisyal sa Pilipinas.
"I have asked the secretary for labor to review the whole policy, and to consult advisers and consulates for the countries where domestic workers primarily come from as to whether compulsory vaccinations can be done," ayon kay Lam.
Pero iginiit niya na hindi discriminatory ang kanilang kautusan at plano pa rin nilang matapos ang mandatory testing sa lahat nga domestic workers sa May 9.
Karaniwang naninirahan sa mga amo ang mga babaeng kasambahay na karamihan ay galing sa Pilipinas, Indonesia, Nepal at Sri Lanka.
Ikinatuwa ni Dolores Balladares, chairperson ng United Filipinos in Hong Kong, ang pagsuspinde sa direktiba ng sapilitang pagbabakuna sa mga kasambahay.
"We welcome the suspension of mandatory vaccines, but we are calling for scrapping the mandatory testing and vaccine policy entirely, as it punishes and criminalizes domestic workers," sabi niya sa Thomson Reuters Foundation.
"We are in favor of testing and vaccination on a voluntary basis. But singling us out and making it mandatory is discriminatory and leads to further stigmatization," dagdag niya. — Reuters/FRJ, GMA News