Naisalba ng isang komadrona ang buhay ng isang bagong silang na sanggol na nangingitim na matapos na isilang sa gilid ng kalsada sa Rizal. Ang komadrona, hindi alintana kung may COVID-19 o wala ang pamilyang tinulungan sa kagustuhan na masagip ang mag-ina.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabi ng nag-upload ng video na naging viral, na nangyari ang insidente noong madaling araw ng Abril 17.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang mga tao na may buhat na buntis habang naghihintay ng masasakyan sa San Mateo, Rizal.
Pero ilang saglit pa, ibinaba na nila ang buntis sa gilid ng kalsada dahil manganganak na pala. Hindi rin nagtagal, dumating ang komodrona na nakilalang si Lea Barro Blacer.
Nailuwal na raw ang sanggol nang dumating si Blacer pero nangingitim na ito at hindi umiiyak.
Kaya ginawa ni Blacer ang kaniyang kaalaman bilang isang komadrona upang masagip ang bata.
"Inano ko po yung talampakan niya [baby] tapos nung wala pa ring reaksiyon, ni-rub ko po siya sa likod para makaiyak po yung baby," kuwento ni Blacer.
Nang umiyak ang bata, sinabi ni Blacer na laking tuwa niya at sinabihan ang ina at lola ng sanggol na huwag nang mag-alala.
Malapit lang daw ang bahay ni Blacer kung saan nanganak ang ginang na hindi niya kakilala.
"Kinatok po nila ako kasi alam naman po nila na ako ay midwife," saad niya.
Nang maayos na ang kalagayan ng sanggol, dumating na ang ambulansiya na si Blacer din ang tumawag para madala na sa ospital ang mag-ina na hindi na niya nakuha ang pangalan.
Ayon kay Blacer, ginawa lang niya ang kaniyang tungkulin bilang midwife na tulungan ang mag-ina kaya hindi na niya inisip kung mayroon mang COVID-19 o wala ang mga tao na kaniyang tinulungan.
Umani naman ng paghanga sa netizens ang ginawa ng dakilang komadrona.--FRJ, GMA News