Malungkot ang naging wakas ng paghahanap ng isang pulis sa nakawala niyang aso matapos niya itong makita na iniihaw na ng isang lalaki sa Bayambang, Pangasinan.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Jordan Natividad, 32-anyos, ng Barangay Cadre Site, Bayambang, Pangasinan.
Mismong ang pulis na may-ari ng aso ang nakahuli kay Natividad habang iniihaw ang kaniyang alaga.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nakawala ang aso kaya hinanap ng pulis sa pangambang baka makakagat ito ng tao.
Pero si Natividad ang unang nakakita sa aso at pinalo umano ang hayop sa ulo at saka isinalang sa apoy.
Tumangging humarap sa camera ang pulis na may-ari ng aso pero masakit daw sa loob niya ang nangyari dahil napamahal na sa kaniya ang alaga.
Ang suspek naman, inamin na plano sana niyang pulutanin ang aso at ibebenta.
Bukod sa kasong pagnanakaw, sasampahan ng reklamong paglabag sa Animal Welfare Act si Natividad. --FRJ, GMA News