Nabalot ng tensiyon ang bahagi ng Commonwealth Avenue sa Quezon City nang mauwi sa pananaksak ang dapat sana'y pagbabayad ng utang umano ng suspek sa biktima sa loob ng sasakyan.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang dalawang biktimang sugatan sa pananaksak na sina Raymund Matabang, 38-anyos at Vickson Villaroman, 20.

Nadakip naman kinalaunan ng mga pulis ang mga suspek na sina Abraham Tan, 37, at Rogelio Farcon, 41.

Sa video na nag-viral sa social media, makikita pa si Tan na hawak ang patalim habang naglalakad sa highway sa bahagi ng Barangay North Fairview.

Hindi niya binibitawan ang patalim kahit ilang beses na siyang pinagsasabihan ng mga armadong pulis.

Nakuha lang kay Tan ang patalim nang paluin ng isang pulis ang kaniyang kamay gamit ang yantok.

Sa paunang imbestigasyon ng Fairview Police Station 5 (PS5) ng QC Police District (QCPD), lumitaw na may utang umano si Tan kay Matabang na nagkakahalaga ng P2 milyon.

Nagkasundo raw ang dalawa na magkita para magpunta sa bangko at magkabayaran.

Pero habang nasa loob ng sasakyan, nangyari na ang pananaksak bago pa sila makarating sa bangko.

Nakuha ng mga awtoridad ang dalawang patalim na ginamit sa krimen.

Ligtas na ang dalawang biktima na dinala sa ospital, samantalang mahaharap naman sa kaukulang kaso ang dalawang suspek.--FRJ, GMA News