Kakambal ng pagiging internet sensation ang pagkakaroon ng mga tagasuporta at maging ng mga basher. Ang "Owe My Love" star na si Jelai Andres, inihayag kung paano niya hinaharap ang mga negatibong komento.
"Hindi natin maiiwasan na meron kang gawin na tama, meron kang gawing mali. Kapag bashers, sisilip at sisilip ng masasabi sa'yo. So 'pag ganu'n iniintindi ko na lang," sabi ni Jelai sa GMA Regional TV Early Edition.
"Kasi sabi nga nila, kapag bad 'yung tao, dapat mas lalo kang maging mabait sa kaniya kasi kailangan niya 'yon," dagdag ni Jelai.
Ayon kay Jelai, hindi niya na pinapansin ang mga nagbibigay ng negatibong komento dahil ayaw niyang palakihin pa ang anumang negativity sa kaniyang buhay.
"Paano ko sila hina-handle? Wala, deadma. Hindi ko pinapatulan. Puro positive lang dapat eh kasi kapag papansinin mo pa rin ang negative, lalaki, so negative rin 'yung maa-attract mo. So kapag positive ka lagi, positive lang 'yung aura na makukuha mo," saad ni Jelai.
Inilahad din Jelai ang mga pagbabago sa kaniyang buhay nang maging kilalang vlogger.
"Kapag lumalabas ka, tinitingnan ka nila as bilang inspiration. So nakakatuwa, masarap sa feeling na nababasa ko na sinasabi ng mga [bata] na 'Paglaki ko gusto ko gayahin siya. Gusto ko ring gawin 'yung ginawa niya. Gusto ko ring tumulong."
Napapanood ngayon si Jelai sa Kapuso series na "Owe My Love" bilang si Jenny Rose Guipit. --FRJ, GMA News