Dahil sa simpleng family bonding noong nakaraang taon dahil sa pandemic, nakaisip ng bagong negosyo si Michelle na patok sa pamilya at magbabarkada na hilig gumimik sa dagat lalo na kung tag-init.
Sa programang "Pera-Paraan," ikinuwento ni Michelle na dahil sa pandemic, hindi makapamasyal sa malayo ang kaniyang pamilya noong nakaraang taon.
Dahil sa dagat na hindi kalayuan ang puwede nilang puntahan, naisipan nilang arkilahin ang isang pinaparentahang balsa at doon tumambay ang kaniyang pamilya habang nasa dagat.
Ang naturang balsa ang nagbigay sa kanila ng idea ng bagong negosyo na puwede nilang pagkakitaan kahit may pandamic.
Pero sa halip na simpleng balsa, gumawa sila ng floating cottage na mayroong kuwarto, mini-seapool, lamesa, slide, diving area at iba pa na kasya kahit 100 katao.
Ang mga rerenta sa floating cottage, iiwan sa gitna ng dagat upang ma-enjoy ang ganda ng kalikasan.
Alamin sa video kung saan matatagpuan ang naturang floating cottage at magkano ang renta rito. Panoorin. --FRJ, GMA News