Mag-ingat sa mga taong nakikita sa social media bago i-add dahil baka hindi "friend" ang kanilang hanap kung hindi "victim." Gaya ng insidente sa Negros Occidental na isang lalaki ang nagpapanggap umanong magandang babae sa fake account upang maghanap ng mahoholdap.
Sa ulat ni Adrian Prietos sa Regional TV " One Western Visayas" nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na si Alvin Amandog, 27-anyos, residente at manggagawa ng Hacienda Bayabas sa Barangay Tortosa sa bayan ng Manapla.
Nahuli si Amandog sa isinagawang entrapment operation ng mga awtoridad.
Nakuha sa kaniya ang ilang bala ng kalibre .38 na baril, dalawang sachet na hinihinalang shabu ang laman, at ilang gamit na pinaniniwalang pag-aari ng kaniyang biktima.
Modus daw ng suspek na gumawa ng fake account at nagpapanggap na magandang babae upang maghanap ng lalaking bibiktimahin kapag nakipag-chat sa kaniya at gustong makipagkita.
Pero kapag nagkita na, doon na daw tutukan ng baril ni Amandog ang biktima para holdapin.
"Ina-add siya ng mga lalaki. Usually ang mga victim niya mga male. Then nakikipag-chat, kinakausap and after that once magkapalagayan na they meet up," ayon kay Police Lieutenant Abegail Donasco, spokesperson, Negros Occidental Police Provincial Office.
Hinikayat ng pulisya ang iba pang nabiktima ni Amandog na magsampa ng reklamo.
Kasabay nito, pinayuhan din ng mga awtoridad ang publiko na maging maingat sa mga nakikilala sa social media. --FRJ, GMA News